happy new year!
ilang gabi na akong dinadalaw ng isang panaginip... imahe ng isang babaeng sumasagip sa ken habang ako ay tinatangay ng isang malakas na alon... pag gising ko, pilit kong ibinabalik sa isip ko ang lahat... pero wala akong maalala.
walang gaanong parokyano noon sa restauranteng pinapasukan ko… halos hatinggabi na ren naman kaya pinauwi na ako ng hefe ko… humahangos akong pumunta sa bus station… sa pagkakaalam ko ay alas-doce ang huling viaje… at kapag hindi ko naabutan yun… sa highway na ako mag-aabang… medyo malayo-layo ren ang lalakarin ko.
mabilis kong narating ang paradahan… nakapagtataka dahil wala pang tao… naisip kong baka naiwanan ako… pero sa pagtantiya ko ay mas oras pa… hindi ako nakakapagsuot ng reloj nang mga araw na iyon kaya hindi ko nababantayan ang oras... wala tuloy akong mapagbasehan kung napaaga ba o huli na nga ako.
umupo ako sa isang tabi… naghihintay ng oras… hanggang sa may dumating na babae… binati ko siya at kinausap (sa salitang espanyol)… magiliw naman niyang sinagot ang mga tanong ko… pagkaraan ng ilang minuto ay nagsulputan na ang mga pasahero… nawala siya sa paningin ko.. hanggang sa dumating ang bus at sumakay ang lahat… pagdating ko sa bahay ay halos batukan ko ang sarili ko… kung bakit hindi ko man lang naitanong ang pangalan nang babaeng nakausap ko.
kinabukasan ay walang pagbabago… madalang pa rin ang pasok ng tao … halos ganung oras din ng isara namin ni myles ang restaurante at pauwiin niya ako… umupo uli ako sa isang tabi nang muling dumaan siya sa harapan ko… nag iisip ako ng pick-up line, para makapag-open ako ng conversation… dingdong!! presto... nilapitan ko siya.
ako: hola. puedo preguntar, a qué hora es?
>>>: es las doce menos cuarto
ako: ah si. perdon, como te llamas?
>>>: ahh, ako nga pala si…
ako: hahaha, filipina ka pala. pinahirapan mo pa ako. kandabulol tuloy ako sayo kagabi.
>>>: hihihi, nagtataka nga ako bakit mo ako kinakausap sa espanyol eh.
dumating ang bus at sumakay kami… tinabihan ko siya sa upuan… hindi ko na siya pinakawalan… bago kami maghiwalay ay kinuha ko ang celfon number nya… hindi ako dinalaw ng antok... magdamag siya lang ang tumatakbo sa isip ko… pagkatapos ng gabing iyon ay mabilis na nagbago ang ikot ng mundo ko… napadalas ang paglabas namin na humantong sa mas malalim na pagkakaibigan… masaya ako pag kasama ko siya… kaya nagtapat ako ng pag-ibig ko sa kanya… hindi naman niya ako binigo at ipinagkaloob nya sa ken ang matamis nyang “oo.”
nang ipinagdiwang namin ang aming unang aniversario… reloj ang ine-regalo ko sa kanya… nagtanong siya kung bakit… sabi ko, símbolo yun ng pagmamahal ko sa kanya… dahil kung nakapag suot ako ng reloj nung gabing mag-krus ang landas namin… hindi ko sana siya nakilala.
matagal na panahon na ang lumipas… mula nang makilala ko ang babaeng pinakasalan ko… akalain ko bang ang simpleng usapang iyon ang maghahatid sa amin sa pintuan ng isang pangako? …tatlong taon din kaming nagtrabaho na magkahiwalay… pero naging matatag kami… wala kaming problema na hindi sinuong at napag-tagumpayan sa huli.
nang makabalik ako dito last january… natuwa ako dahil nakita kong ginagamit pa rin ni misis ang relong ni-regalo ko sa kanya… aniya, sa mahabang panahon na ipinaghintay nya sa akin… iyon ang naging sandalan niya… umaasang darating ang oras na magkakapiling din kami sa huli… tinamaan ako sa sinabi nya… nilapitan ko siya at kinuha ko ang kamay niya… tinanggal ko ang relong suot nya.
“lika nga dito... simula ngayon, hindi mo na kailangang isuot ito... dahil simula ngayon, ibibigay ko na sa´yo lahat ng oras ko.”
mula noon, hanggang sa kasalukuyan… labis ang pasasalamat ko dahil dumating ang babaeng hiningi ko sa langit… ang tanging sagot sa mga panalangin ko… hindi siya perpekta, pero sakto sa panlasa ko ■
"love never means the same for anyone. love acquires its true meaning by experiencing it for the first time because only then can you define it."






